Nalugi ng mula P10,000 hanggang mahigit P30,000 kada araw ang karamihan sa mga negosyo sa tatlong lugar sa Pilipinas dahil sa madalas na blackout.
Ito ang napag-alaman sa pag-aaral ng energy organization na ILAW, na inilabas nito noong Hulyo 10, 2024 sa isang media conference na pinangunahan ni ILAW National Convenor, Agnes “Beng” Garcia at Youth Convenor Francine Pradez
Sa paglulunsad ng pag-aaral na pinamagatang “Focus Group Discussion: Economic Impact of Blackouts on Businesses in Puerto Princesa City, Baguio City, and Tagum City,” tinalakay nina Garcia at Pradez ang epekto ng madalas na blackout sa pinansiyal na aspeto ng mga negosyo at hinaing ng mga negosyante. Binigyang diin din ng organisasyon ang pangangailangan para sa pagbuo ng mga komprehensibong solusyon sa problema.
Inilatag ng pag-aaral ang pananaw ang sektor ng negosyo sa epekto ng mga blackout sa focus group discussions na ginawa sa Puerto Princesa City, Palawan, Baguio City, Benguet, and Tagum City. Kabilang sa mga lumahok ay mga micro-, small and medium-sized enterprises (MSMEs) at ilang malalaking negosyo.
Sinukat ng ILAW ang halaga ng lugi ng mga negosyo at kinategorya ito sa: small losses na hanggang P10,000 sa isang araw ng operasyon; medium losses na hanggang P30,000; large losses na hanggang P100,000; and very large losses exceeding PHP 100,000 in the same period.
Nakita sa pag-aaral na lubhang naapektuhan sa mga brownout ang maliliit na negosyo sa mga nasabing lugar dahil sa kanilang pinansiyal na limitasyon at pagsandal sa mga lokal na customer, habang nagtamo ng malaking lugi at mataas na operational costs ang malalaking negosyo.
Sa Puerto Princesa, 40 porsiyento ng negosyo ang nalugi ng hindi lalampas sa P10,000 kada araw, habang 40 porsiyento naman ang nalugi ng P30,000 bawat araw. Nakaapekto rin ang madalas na blackout sa industriya ng turismo sa lugar, na siyang ”pass-through” point para sa mga turista,
Sa Baguio naman, nasa 60 porsiyento ng negosyo ang nalugi ng P10,000 kada araw, habang ang ilang malalaking negosyo sa lugar, gaya ng mga eskuwelahan, ay nawalan ng mahigit P100,000 sa isang araw ng operasyon. Kabilang sa mga lubhang tinamaan ang mga retail business dahil kinailangan pa nilang bumili ng generator. Naantala rin ang kanilang produksiyon at nasira ang mga ibinibenta nilang souvenirs na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente roon.
Kalahati naman ng mga negosyo, na karamihan ay pawang maliliit, sa Tagum City ay nalugi ng P10,000 kada araw. Kabilang sa mga lubhang tinamaan ay ang food and beverage industry, dahil sa abalang dulot nito sa supply chain at kagamitan, bukod pa sa isyu ng kaligtasan ng kanilang produktong pagkain.
Sinabi naman ni Pradez na nagsisimula ang epekto ng krisis sa kuryente sa pagkalugi at humahantong sa serye ng problema para sa mga negosyo. “Higit pa sa pagkalugi, nauuwi rin ito sa pagkawala ng hanapbuhay, pagbaba ng kalidad ng trabaho at serbisyo, pagkasira ng reputasyon sa kalidad ng produkto, at abala sa pang-araw-araw na aktibidad, at ang pinakamasakit, pagsasara ng negosyo,” ani Pradez.
Batay sa resulta ng pag-aaral, iginiit ng ILAW na kailangan ng mga pagkilos para masuportahan ang mga negosyo at ang lokal na ekonomiya. Kaya nanawagan ang energy consumer organization para sa tulong mula sa gobyerno, paghahanda, at pagpapalakas ng imprastraktura para mapagaan ang epekto ng blackout sa sektor ng negosyo.
“Nakapaloob sa pag-aaral na ito ang karanasan at panawagan ng mga may-ari ng negosyo sa bansa. Hindi lang natin dapat tinitingnan ang kanilang sitwasyon kundi dapat din tayong kumilos para ito’y maresolba,” wika ni Garcia.
Nagpasalamat naman ang mga kaalyado ng ILAW mula Puerto Princesa, Tagum at Baguio sa pagtatampok sa epekto ng blackout sa mga negosyo sa Pilipinas. Umaasa rin sila na magreresulta ito sa mga pagkilos tungo sa mas maayos na sitwasyon ng kuryente sa bansa. “Naniniwala kami na sa ating pagkakaisa, gaganda ang kalagayan ng kuryente sa ating bansa, wika ni Dr. Tony Cabrestante, isa sa mga lider ng Palawan Electric Cooperative Members, Consumers and Owners (PALECO MCOs).
Ayon kina Beng at Pradez, isinusulong ng ILAW ang pagpapaganda at pagpapalakas ng grid para masuportahan ang paglago ng mga negosyo sa bansa. Iginiit din ng grupo ang pagbalangkas ng national energy roadmap na may malinaw na hangarin at pamamaraan, at nakapaloob ang mga mungkahi ng iba’t ibang stakeholders. Kabilang din sa kanilang rekomendasyon ang pagsasagawa ng energy summit para matalakay ang mga istratehiya kung paano matutuldukan ang mga blackout.
“Sa ngayon, may problema ang Pilipinas sa kuryente na lubhang nakakaapekto sa kita at tuloy-tuloy na operasyon ng mga negosyo. Kung tayo’y sama-samang kikilos, makakabuo tayo ng mas matibay at maaasahang energy system para sa Pilipinas,” sabi ni Garcia.